
Sa realidad, lahat tayo’y naghahangad ng komportableng buhay, humihiling na sana’y marami tayong pera. May mga pagkakataong dumarating ang pera nang hindi natin inaasahan. Ngunit hindi sa lahat ng oras ito ay biyaya dahil may mga pagkakataong ito’y maituturing na sumpa, katulad ng ating kaso ngayong araw.
Isang madaling araw, binulabog ng magkakasunod na putok ng baril ang isang barangay sa Tansa, Cavite. Walang nagtangkang lumabas dahil sa takot. Rinig ang sigawan at paghingi ng tulong hanggang sa unti-unting humupa ang ingay. Ito ay galing sa maliit na bahay ng pamilya Alvarado. Pagkatapos ng komosyon, natagpuang nakahandusay sa malamig na sahig si Ramil, duguan at wala nang buhay. Sa kabilang dulo ng bahay, natagpuan ang kanyang asawa, si Sally, nakalugmok at humihingal, tinatakpan ang balikat na may tama ng bala. Sa kabutihang palad, agad siyang naisugod sa ospital at ang kanilang anak naman na isang binata ay nakaligtas mula sa trahedya dahil nagkataong wala ito sa bahay at kasama ng mga barkada.
Sa unang tingin, para itong karaniwang kaso ng pagnanakaw na nauwi sa malagim na pamamaril. Isang maling oras at maling lugar, sabi ng ilan. Ngunit habang papalalim ang imbestigasyon, lumabas ang mga rebelasyon. Paano nanakawan ang isang pamilyang hindi naman ganon kayaman? Sa mga sumunod na oras, kumalat ang balita sa buong barangay. Ang mga chismis ay mabilis na gumulong. May mga nagsasabing baka may atraso si Ramil. May mga nagsasabing baka nasangkot siya sa isang gulo. Ngunit sa likod ng lahat ng bulong, iisa lang ang malinaw: may lihim na hindi pa alam ng lahat. Isang lihim na nakatali sa isang bag na ilang buwan nang nakatago sa bahay ng mga Alvarado.
Dalawang buwan bago ang gabing bumulabog sa buong barangay, simpleng araw lamang iyon para kay Ramil Alvarado. Galing siya sa Maynila matapos ihatid ang kapatid na OFW at biyaheng Kuwait. Gabi na nang makasakay siya ng taxi pauwi ng Cavite. Pagod at sabik na makauwi, tahimik siya habang nakatingin sa mga ilaw ng siyudad nang makapa ng kanyang mga paa ang isang tila nakaumbok na bag sa sahig ng sasakyan.
Sa likod ng taxi, sa harap ng upuan, napansin niya ang isang itim na bag. Sa una, tiningnan lang niya ito, nagdadalawang isip kung bubuksan o hahayaan na lang. Ngunit habang papalapit ang taxi sa terminal ng bus, mas lumakas ang tukso. Bago bumaba, kinuha niya ang bag at isiniksik sa ilalim ng kanyang jacket. Ramdam niya ang kaba ngunit nangingibabaw sa kanya ang ideya na baka may laman ang bag na maaari niyang pakinabangan. Pagkasakay niya ng bus, malakas ang tibok ng kanyang dibdib. Ngunit sabik, binuksan niya ang napulot na bag. Sa loob, nakasalansa bungkos ng pera, nakabalot sa malalaking rubber band, higit pa sa anumang perang nahawakan niya sa buong buhay niya. Sa unang tingin, alam niyang milyon ang halaga nito. Pinagpawisan ang kanyang palad at lalo pang kinabahan. Hindi siya napakali habang binabagtas ng bus ang daan. Ang bag ay maingat niyang ikinubli sa kanyang tabi at iniwasang may ibang makaalam. Sa isip niya, mabilis na naglaro ang mga posibilidad: bagong bahay, sariling sasakyan, negosyo, at marangyang buhay. Nang makarating siya sa bahay ng ligtas, nanatiling tikom ang kanyang bibig maging sa sariling asawa at anak. Hindi siya nakatulog ng magdamag hanggang sa sumapit ang umaga.
Hindi niya napigil na sabihin sa kanyang asawang si Sally ang tungkol sa bag. Nagulat si Sally sa kanyang narinig, napalunok ng kanyang laway habang pinapakita ng kanyang asawa ang bungkos ng pera na nang bilangin ay may sumatotal na dalawang milyon. Agad naman siyang kinumbinse ni Sally na isauli ang pera o ipagbigay alam sa pulisya. Ngunit para kay Ramil, iyon ay hindi simpleng pera. Isa itong biyaya, isang tanda na tapos na ang mahabang taon ng pagkakabaon sa kahirapan. Bukod dito, sinabihan niya si Sally na walang garantiya na makakabalik ang pera sa may-ari kung isusurrender nila ito sa mga pulis. Sa halip na makinig, itinabi niya ang bag sa ilalim ng aparador, siniguradong hindi ito basta makikita ng iba.
Sa mga sumunod na araw, nagbago ang simpleng takbo ng buhay ng pamilya Alvarado. Sa umpisa, maliliit na gastos lamang: dagdag na pagkain, bagong damit para sa anak, bayad sa mga utang. Ngunit habang tumatagal, unti-unti nang lumalabas ang malaking gastos sa pera. Sa bawat pisong ginagasta niya, mas lalong lumalakas ang kumpyansa ni Ramil na walang makakaalam. Ngunit sa bawat galaw, may mga matang hindi niya napapansin: mga kapitbahay na nagtataka, mga kaibigang nagsisimulang magtanong, at habang nagiging lantaran ang pagbabago ng kanilang pamumuhay, nagsisimula na ring kumalat ang mga bulong. Sa loob lamang ng isang linggo, bumungad sa kanilang garahe ang isang second-hand na SUV. Sa umpisa, pinagtakpan niya ito sa mga kapitbahay, sinabing hulugan at galing sa isang kaibigan na agad naman nilang pinaniwalaan. Ang mga sumunod na gabi ay napuno ng kasiyahan. Gabi-gabi siyang nagyayang inuman. Ang mga dating simpleng pulutan sa kanto ay napalitan ng mga mamahaling alak at handa. Ang mga kaibigan at kakilala halos gabi-gabi na sa kanilang bahay, nagkakantahan at nagtatawanan habang si Ramil ang laging taya. Nagpakain siya ng mga kamag-anak kahit wala namang okasyon para magdiwang. Unti-unti ring napuno ng bagong gamit ang kanilang maliit na bahay: mga bagong appliances, flat screen TV, at mamahaling cellphone para sa anak. Sa mga mata ng barangay, tila biglaang umangat ang estado ng pamilyang Alvarado. May mga nagbibirong baka nanalo si Ramil sa loto o baka may nakuhang malaking padala mula sa ibang bansa. Ngunit para kay Sally, ang bawat pagbabagong iyon ay alam niyang hindi dapat kahit paramdam nito ang ginhawa na hindi nila kailanman naranasan. Ilang ulit niyang sinubukang kausapin si Ramil. Pilit niyang ipinaalala na may mga taong naghahanap sa perang iyon at darating ang araw na kakalampagin sila ng kapalaran. Ngunit ang bawat pag-uusap ay nauuwi sa sigawan. Para kay Ramil, ang pera ay kanilang biyaya, pribilehiyong hindi dapat sayangin. Para naman kay Sally, iyon ay sumpa. Ngunit hindi iyon makita ng kanyang asawang tila nasilaw sa salapi.

Habang patuloy ang magarang pamumuhay, lalong kumalat ang usap-usapan sa mga umpukan sa tindahan, sa mga tambayan sa kanto. Iisa ang tanong: Saan nanggagaling ang perang ginagastos ni Ramil? Sa bawat araw na lumilipas, mas marami ang nakakaramdam na may hindi tama. Lalo na ang mga taong minsang nakasama niya sa mga inuman kung saan hindi niya napigilang magbitiw ng mga salitang hindi niya dapat sinabi kanino man. Ito ang magdudulot ng trahedyang tuluyang babawi ng higit pa sa perang nakuha niya sa maling paraan.
Sabado ng hatinggabi. Mahimbing ang tulog ng mga kapitbahay nang umalingawngaw ang malakas na kalabog mula sa bahay ng mga Alvarado. Sa loob, nagising si Ramil sa ingay ng pinto na sapilitang sinira ng tatlong lalaking armado ng baril at nakatakip ang mga mukha. Mabilis ang lahat. Mabilis na tinutukan si Ramil na noo’y nakahiga sa sala at medyo nahihilo pa bunga ng paglalasing nito kani-kanina lang, habang si Sally ay nakapako sa sulok, nanginginig at hindi makapagsalita. Sa malamig na boses ng isa sa mga lalaki, hinanap nila ang pera. Bawat sulok ng bahay ay hinalughog. Bawat cabinet at drawer ay binuksan. Hanggang sa makarating sila sa lumang aparador sa kwarto. Doon nila nakita ang itim na bag—ang parehong bag na lihim na tinatago ni Ramil sa loob ng mahigit dalawang buwan. Nang makita ni Ramil ang bag ay tila nagkaroon ito ng tapang. Sinubukan niyang makipagbuno, pilit na agawin ng bag mula sa kamay ng isa sa kanila. Ngunit sa isang iglap, umalingawngaw ang sunod-sunod na putok. Tumilapon si Ramil sa sahig at agad naman nawalan ng malay. Si Sally na sinubukang sumaklolo ay tinamaan ng bala sa balikat at bumagsak sa malapit sa kusina. Ang mga lalaki, matapos makuha ang malaking bahagi ng pera, ay mabilis na tumakas sa dilim, sumakay sa isang motorsiklong walang plaka. Sa ilang minutong nakalipas, dumagsa ang mga kapitbahay ngunit huli na ang lahat. Si Ramil ay dineklarang dead on arrival nang dalhin sa ospital habang si Sally ay isinugod sa emergency room, halos walang buhay ngunit milagrong nakaligtas. Ang kanilang binatang anak ay nagkataong nasa bahay ng isa sa kanyang mga barkada noong gabing iyon kung kaya’t hindi siya nadamay sa gulo.
Ang bahay ng mga Alvarado na ilang linggo pa lamang ang nakalipas na puno ng tawanan at inuman, ngayon ay binalot ng nakakatakot na trahedya. At mula sa gabing iyon, tuluyan nang bumagsak ang ilusyon ng yaman na akala ni Ramil ay maghahatid ng kaginhawaan sa kanya at sa kanyang pamilya.
Mabilis na kumilos ang mga imbestigador matapos ang krimen. Sa unang dalawang araw, sinuyod nila ang barangay. Kinapanayam ang mga kapitbahay at sinuri ang mga bakas sa loob ng bahay ng mga Alvarado. Sa umpisa, tila walang matibay na lead ngunit nagkaroon ng direksyon ang imbestigasyon matapos lumantad ang isang saksi. Isang lalaki na nasa edad 28 ang kusang lumapit sa awtoridad para magbigay ng mahalagang impormasyon. Tatlong araw bago ang insidente, inaya umano siya ng isang Tony na sumama sa isang planong pagnanakaw. Hindi nito nabanggit ang pangalan ni Ramil ngunit ayon umano kay Tony, ay may malaking halaga raw ang biktima mula sa napulot nitong bag sa Maynila.
Tumanggi siyang makisangkot ngunit alam niyang seryoso ang plano at hindi siya nagkamali. Ang testimonya niya ang pinakamahalagang batayan upang ituring si Anthony “Tony” Basunahing suspek. Sa isang followup operation, nahuli si Tony at ang dalawang kasamahan nito sa magkakahiwalay na operasyon. Na-recover mula sa tatlo ang malaking bahagi ng perang ninakaw pati na ang ilang gamit na nabili mula sa pera. Nakuha rin sa kanila ang ginamit na armas noong gabing iyon na hindi lisensyado na tumutugma sa bala ng nakuha sa crime scene. Nagpositibo si Tony sa parafin at nag-match din ang mga fingerprints na nakita sa lugar nang insidente sa mga suspek.
Hindi na nakatanggi pa si Tony sa kanyang krimen. Sa mga imbestigador, ikinuwento ni Tony ang pinagmulan ng lahat. Ayon sa kanya, hindi siya personal na malapit sa pamilya at napasama lang sa inuman tatlong araw bago ang insidente nang inaya siya ng kanyang pinsan na sumama sa bahay ng mga Alvarado. Sa kasarapan ng kwentuhan at marahil bunga ng kalasingan, ikinuwento raw umano ni Ramil ang tungkol sa natagpuang bag. Kung paano niya ito nadampot sa taxi at kung gaano kalaki ang halagang laman nito. Sa simula, balak lang umano nilang kunin ang pera ng walang pananakit. Pero nang manlaban ito, mabilis na humantong sa karahasan ang gabing iyon.

Isang linggo ang nakalipas at inihatid sa huling hantungan si Ramil. Naka-recover naman ang kanyang asawa mula sa tinamong injury. Labis-labis ang paghihinagpis ni Sally dahil sa una pa lamang ay may kutob na ito na maaari silang mapahamak ngunit hindi nakinig ang kanyang asawa. Malaki ang naging pagsisisi ni Sally ngunit nagpapasalamat din ito dahil buhay siya at hindi nadamay ang kanilang anak.
Sa mga hawak na ebidensya ng pulis at sa mismong pag-amin ng suspek, nagsimula ang proseso ng hustisya. Naging unang hakbang ng pulis ang matukoy kung sino ang may-ari ng bag na punot dulo ng nangyaring trahedya sa pamilya Alvarado. Sa na-recover na bag, nakita ang isang papel na susi sa paghahanap ng totoong may-ari ng bag—isang resibo ng hospital bill kung saan nakalagay ang pangalang Milagros Abad. Nang matunton ang pagkakakilanlan ni Milagros, ay agad inimbitahan ang kanyang pamilya sa presinto upang i-claim ang property.
Sa himpilan, dumating ang anak ni Milagros na siya umano’y mismong may-ari ng bag. Isa itong Filipino na naka-base sa Canada. Umuwi ito ng Pilipinas ilang buwan bago ang insidente para asikasuhin ang pagpapagamot ng kaniyang ina na may malubhang sakit sa kidney. Ang pera sa loob ng bag ay mula umano sa loan na balak nilang gamitin para sa dialysis at operation ng ina na nakatakda sa susunod na buwan. Sa halip na galit, pinili niyang bawiin lamang ang natirang pera at ang sasakyan na nabili gamit ang pondo. Sa sumatotal, aabot na lamang ng 1.6 milyon ang kabuuan ng naiwang pera kung isasama ang halaga ng sasakyan. Sa kabila ng malaking halagang nawala, iniwan niya kay Sally ang Php20,000 bilang tulong para sa mag-ina, isang maliit na bahagi ng pera ngunit malaking tanda ng awa at kabutihang loob.
Samantala, lumabas ang hatol sa mga suspek. Si Tony ay nahatulang guilty sa kasong robbery with homicide at robbery resulting to physical injuries. Pinatawan siya ng reclusion perpetua na may katumbas na 25 years na pagkakakulong. Ang dalawang kasabwat naman ay binigyan ng mas mababang sentensya bilang mga kasabwat ni Tony. Sila ay tumanggap ng tig-10 taong pagkakakulong para sa kasong robbery. Para kay Sally, pinakamasakit ang mawalan ng asawa ngunit mas mabigat para sa kanya na alam niyang hahantong ang lahat sa kapahamakan ngunit hindi niya ito naagapan. Sa huli, malinaw ang aral na iniwan ng trahedya hindi lang kay Sally kundi maging sa mga taong nakasaksi sa trahedya. Ang kayamanang nakuha sa maling paraan, gaano man kaliit o kalaki ay hindi biyaya kundi sumpa. Maaaring bawiin ito ng tadhana ng may interes at sa kaso ni Ramil, buhay ang naging kapalit.
