Hindi inaasahan ni Jerome, isang construction worker, na ang simpleng regalong pink na piggy bank mula sa kanyang misis ay magiging daan upang makaipon siya ng ₱48,245 sa loob lamang ng isang taon at sampung araw.
Sa paggunita ng kanilang 1-Year Ipon Challenge, na nagsimula noong Hunyo 2024, napagdesisyunan nilang buksan ang alkansya ngayong Hunyo. Laking gulat ni Jerome nang makita ang naipon:
“Ang saya pala magbukas ng ipon. Di ko akalain aabot sa ganito kalaki!”
Aminado si Michelle na hindi naging madali ang pagsisimula. Si Jerome ay may bisyo sa paninigarilyo at pag-inom, pero sa kabila nito, natutunan niyang magtabi kahit paunti-unti mula sa kanyang kita bilang trabahador sa construction.
“Proud ako sa sarili ko kasi na-encourage ko siyang mag-ipon. Isa lang siyang construction worker, pero nagawa pa rin niyang makapagtabi. Nakakatuwa lang talaga,” ani Michelle.
Hindi lang pera ang naipon kundi disiplina, inspirasyon, at tiwala sa sarili. Dahil dito, balak na ngayon ni Jerome na bumili ng mas malaking piggy bank para dalawang taon niya itong ipunin bago muling buksan.
Minsan, isang maliit na hakbang lang pala ang kailangan para magbago ang takbo ng buhay. Ang kwento nina Jerome at Michelle ay paalala na ang pag-iipon ay posible, kahit maliit ang kita at kahit pa may mga bisyo—basta may suporta, determinasyon, at tiwala sa isa’t isa. Sa simpleng piggy bank, naipundar hindi lang ang pera kundi bagong ugali at mas matibay na samahan ng mag-asawa.
“Proud na proud ako kasi kahit simple lang ang buhay namin, pinatunayan ng asawa ko na kaya niyang mag-ipon. Masarap pala sa pakiramdam na may naipundar kahit maliit, at mas masarap yung alam mong naging inspirasyon ka.” – Michelle